Andito na tayo. 2016 na. Ang daming nangyari magmula noong una akong nagblog sa tanang buhay ko, 12 years ago, 2004. Kababagsak ko lang noon sa Board Exams for Accountancy, kaya ‘di ko alam ano gagawin sa buhay ko.
So natural, sa Internet ako humanap ng sagot. 💾
Nauna Ako Dito
Iba ang pananaw ko sa teknolohiya sa mga nakatatanda at nakababata sa akin kasi hindi ako lumaking may Internet, pero sabay kami ng Internet na finigure-out kung ano ba talaga kami sa mundo.
Hindi ko alam kung nami-miss ko ang anonymity noon. Hindi pa ako sanay gamitin ang totoong pangalan ko sa Internet. Ayoko pa, may panahon pang manlinlang. Malawak pa ang posibilidad na makabuo ka ng persona sa labas ng kung ano ang pagkakakilala mo sa sarili mo sa totoong buhay.
Tulad nito. Ingglisera ako sa utak ko e, kaya ‘ta’mo ‘tong unang-unang blog entry ko:
Oo, nakita ko ‘yung typo, tseh.
Pa-cool, ‘di ba? May alias pa nga akong gamit. Naalala ko pa ‘yung high noong may nag-comment sa blog ko na tiga-ibang bansa. Ito ‘yung dude, at naswertihan ko siguro na hindi masamang-loob ang nagpakita ng interes sa’kin.
Mula noon nahiwagaan na ako sa Internet at nagblog ako on a fairly regular basis. Intense kapag may nakipag-usap sa’yo. Iso-stalk mo s’ya at aalamin base sa blog n’ya kung ano’ng klaseng tao s’ya, at kung gugustuhin mo ba s’yang makilala in real life.
Nakatulong sa intensity ang bagal ng dial-up Internet. Minsan habang nagko-compose ng blog, mag-o-offline muna ako para hindi ma-pressure, tsaka sayang kasi credits (ISP Bonanza, amirite). May oras pa noon magmuni-muni at mawala sa mundo ng hyperlinked texts.
Mind-boggling pa ang Internet noon. Gusto kong i-download lahat. Hindi ako makapaniwala na may mga website na sakto sa panlasa ko. Mas nahiwagaan ako nung nag-StumbleUpon ako at tila may sumilip sa utak ko at binalik sa’kin ang nakita nito in the form of a really obscure, highly-specific web page (kunwari, ‘yung Samorost, isa pa rin sa pinakakahali-halinang bagay na nakita ko sa tanang buhay ko).
Finally, noong panahong ‘yon, hindi mo pa alam ang ginagawa mo. So essentially ginawa kong online notebook ang blog ko. Inaaliw ko lang sarili ko, obviously, pero nai-imagine ko rin minsan na kapag nagba-blog ako para kong nilalabas ang kamay ko sa bintana, sa gabi, sa dilim, at nag-aantay ng may magha-high five sa akin.
Ang Pagwawala
Mula noon, kung saan-saan na’kong lupalop napadpad sa Internet. Mula EdsaMail, AOL, Friendster, LiveJournal, DeadJournal (oo, at tseh), Plurk, Google Wave, lahat ‘yan pinagdaanan ko. Nakaanim akong blog bago ito (2004-2005, 2005-2006, 2006, 2006-2007, 2007-2014, 2010-2012, 2014, yet another 2014)—hindi ko alam ano gusto kong ma-accomplish nang pabagu-bago ang blog e pero ganun talaga siguro).
Pinaka-prolific ako nung circa 2007 nung napasok ako sa isang Internet security company kasi siguro alam kong puro blogger ‘yung mga kaopisina ko, so may added motivation na magpasikat.
Lahat na ata nasalihan ko pwera MySpace. May time pa noon akala ko Multiply na ang end game. As in akala ko doon na’ko mamamatay sa pagba-blog. Kumpleto e, may home page ka, may pictures, videos, syempre ‘yung blog, tapos lahat pa ng tao nandoon.
E wala, nagka-Facebook.
Den-den-den-den
Ito ‘yung medyo game-changer para sa akin. Suddenly kasi, lahat nung inimbento kong persona, kailangan ko nang iwan. Alam ko pwede akong mag-imbento ng pangalan pag-sign up, pero gets, andun din ‘yung attraction na tipong ready ka na rin naman kasi sumampa sa Internet bilang kung sino ka talaga, or at least nang gamit ang totoo mong pangalan.
Hindi ko alam kung dito lumamlam ang pakiramdam ko sa pagpresent ng sarili ko sa Internet. Kasi parang…o sige, ito ka na, hindi na pwedeng umarte na iba. Parang medyo pretentious na subukang i-narrate ang kaliit-liitang bagay tungkol sa buhay mo—hindi ko rin ma-explain kung bakit, pero baka dala na rin ng edad. Baka at that point parang tinatamad na rin akong maging ibang tao.
Nausog ako nang nausog papuntang Facebook mostly dahil sa takot ko sa Tumblr. May Tumblr ako sure, pero yung mga kaopisina ko noon ay super-users. Hindi ko alam bakit natatakot ako sa Tumblr. Nasanay siguro kasi ako na nararating ko ‘yung page na wala nang ‘Older Post.’ Sa Tumblr walang ganun e. Namatay ka na’t lahat, nagloload pa rin s’ya ng content.
Parang ganun na rin ang naging tingin ko sa Internet, nakaka-overhwhelm. Lahat na lang may sinasabi, lahat na lang may opinyon. Okay naman ‘yun siguro, pero on the other hand, ubos-oras na rin kasi talaga. Facebook pa lang nga e.
So bakit ako magba-blog uli?
Ewan ko rin.
Una nagka-oras ako kasi nag-resign na’ko sa dati kong trabaho. Kaya ito may oras na bigla magsulat. Napakahirap i-explain sa mga tao kung ano’ng ibig kong sabihin kapag sinabi kong gusto kong magsulat. Fiction kasi ang tawag ng puso ko. Hindi creative non-fiction, hindi technical writing, hindi lifestyle blogging. Fiction, ‘yung hindi totoo.
Parang may pakiramdam lang kasi ako na ang dami ko na ring naipon na kwento mula noong nanahimik ako sa pagba-blog. Nagsusulat pa rin naman ako sa mga notebook notebook, pero iba pa rin talaga ‘yung may kausap.
So bakit hindi ko na lang ilaan ang oras ko sa pagsusulat ng fiction? E sino ba nagsabing hindi ko ito ginagawa nang sabay? Sabi nung isang manunulat (si Stephen King ata), na may rason kung bakit wala dapat sa gitna ng kwarto ang computer ng isang manunulat. (Sayang sa cord?)
Ang totoo niyan, kakatapos ko lang ng dalawang maiikling kwento, pero hindi ko alam ano gagawin ko sa mga ito. At kahit natapos ko na ‘yung dalawa, may energy pa rin ako magsulat, pero wala pa akong energy mag-imbento. Gets?
Medyo nasa dulong byahe na’ko ng tren (ng publication) kung tutuusin. Magka-kwarenta na’ko in maybe five years. Naisip ko lang ‘yun kasi ang babata ng profile ng ibang mga manunulat na nababasa ko ngayon, at ‘yung mga kaedaran ko ang dami nang nagawa. Pero hindi ko alam kung ano yung likas na angas na nagpapatakbo sa’kin para maniwalang pwede pa’ko humabol.
Siguro dahil hindi naman as if nagliwaliw lang ako for the last decade. Nagbago rin ang buhay ko, ang dami ko nang napuntahan, naranasan, nakaaway, naging kaibigan, natutunan. Lumabas ako sa TV, nakipagbalitaktakan sa mga pulis sa Queensland, um-attend ng conference on Internet safety sa Bahrain, nagsulat at lumikha ng sanlaksang materials para sa napakalupit na cybercrime-fighting league. Kung baga, may ipon na’kong bala panulat.
Pero higit pa dito, siguro galing din ‘yung angas sa paniniwala ko na may kanya-kanya tayong kwento, kaya natural na rin sa’king iexpect na kung anumang nangayari sa’kin ay bahagi ng kwentong gusto kong buhayin tungkol sa sarili ko.
Na ito, wala naman talagang espesyal sa’kin, pero manganghas ako.
Sana kung binabasa mo ito makita mo ang sarili mo sa’kin kahit papaano, kasi masidhi ang paniniwala ko na deep inside pare-pareho tayo: nabibighani sa buhay, natatakot, kinakabahan na mali pala lahat ng alam mo. At kung mamarapatin mo, pwedeng hawak-kamay nating i-figure out ang mga bagay-bagay. Pero dito lang ha, shy type ako e.
So, ‘yun na. Ang back drop ng lahat. Kita-kita sa susunod na entry.
Discover more from MACKY CRUZ
Subscribe to get the latest posts sent to your email.