Isang linggo akong nagka-gastroenteritis. A little queasiness, a little low-grade fever, tapos stinging hot diarrhea nang limang araw. Masakit, nakakabwisit.
Dahil nagbabadya ang pagbabanyo bawat sandali at nakagapos ako sa tanikala ng sakit ng paghilab ng tyan at pagsisisi sa pagkain ng kung anuman ‘yun na hindi ko maalala, tumambad ang pagkakataong makapagsulat at makapag-isip nang maayos.
Anniversary Blues
Halos dalawang taon na ang nakararaan noong may kahon akong sinimulan kong punuin ng humigit kumulang isandaang index cards kung saan bawat index card ay may isinulat akong pangako sa sarili slash life goal slash bucket list item. Bawat umaga, kapag naalala ko itong gawin, iisa-isahin ko ang mga index card para maalala kung para saan ako gumising.
Isa sa mga index card na ito ay ang pangakong balang araw ay makakapasok ako sa Clarion. Matagal ko nang pinangarap na makapag-writing workshop, dito at abroad. In fact, sa pangalawang subok ko sa Clarion ako nakapasa.
Mag-iisang taon na ang nakalipas nang matapos ko ang Clarion Science Fiction and Fantasy Writing Workshop (ako ‘yung Ma. Christina Cruz nung 2017 tseh), kung saan anim na linggo akong nagsulat, nagbasa ng kwento at nakihalubilo sa iba’t ibang manunulat sa iba’t ibang bahagi ng mundo habang nakatira sa mga dorm sa University of California, San Diego.
Isang araw ikukwento ko sa’yo nang buong-buo ang karanasan ko, sa layong ganahan ka rin sa mga suntok sa buwan mong pangarap. Pero hindi ito ang araw na iyon.
Here’s the Thing
Alam ko nang gusto kong maging manunulat, at kung anumang go signal sa mundo ang hinihintay ko ay naibigay na with matching dance number at pa-lechon sa kanto ng pagkakapasok ko sa Clarion last year, pero may hindi pa rin ako binabago sa sistema ko.
See, anumang pronouncement mo, na isa kang ganito o isa kang ganyan, at kung ikaw yung tipo ko’ng tao na may pagkatamad pagdating sa mga bagay na may kinalaman sa sarili mong kapakanan, ang pinakamalakas na indiskasyon na manunulat ka ay kung nagsusulat ka.
Oo, nagsusulat ako ngayon, pero para ko pa ring itinatagong kabit ang pagsusulat. Parang lalaking sinusutsutan ko lang sa gabi kapag may oras ako at nasa mood.
Kahit sa lagay na ‘yon, malayo na rin ang narating ko. Natapos ko ang nobela kong Tagalog nung December at naipasa sa nag-iisang publisher na gusto kong makatrabaho. Tsaka ngayon lang sa tanang buhay ko na nakapagsulat ako ng ganitong karami sa loob ng maikling panahon.
Pero hindi pa rin sapat para sa akin ito. Dalawa’t kalahating buwan na ang nakalipas pero wala pa rin akong naidraft man lang na maikling kwento.
Isa sa mga natutunan ko magmula nang magbukas ang mundo ng speculative fiction writing sa’kin ay ang pangangalaga ng sariling writing time. Nagagawa ko naman ito pero ang dalas ko bumalik sa kinaugalian.
Inuuna ko ang mga obligasyon ko sa ibang tao, at nagsusulat na lang ng pansarili kapag may oras o kapag kelan pwede (na kadalasan ay tuwing weekend na lang–at samantalang walang mali dito, alam ko sa sarili ko na kapag weekend na lang ako nagsusulat, ibig sabihin hindi ko na naman binigyan ng oras ang pagsusulat noong nakaraang week).
May Kinalamang Segue
Kamakailan ay sinimulan kong kasangkapangin ang mga katropa ko para tulungan akong magsimulang tumakbo uli. Sa kung anumang rason, gumagana sa’kin ang hiya ng public accountability. Tuwing tumatakbo ako, nagrereport ako sa tropa kong ito, hanggang sa bago pumasok ang gastroenteritis na ito sa buhay ko, nakatatlong linggo na ako ng halos every-other-day na pagtakbo–isang record na kahit kailan ay hindi ko pa nararating.
Kaya naisip ko, bakit hindi ko subukan ito dito? Dito ko rin naman makikita kung sakali ang kahihinatnan ng pagsusulat ko. Hindi pa ako published sa mundo ng sci-fi, kaya actually medyo nakakahiya itong pagmamaganda ko, dahil maaaring mamatay na’ko’t lahat ay hindi pa rin ako nalilimbag. Pero ‘yun na nga ang kalakip na kapal ng mukha ng mga nangangarap ‘di ba? ‘Yung irrational expectation na magtatagumpay ka.
*hingang malalim*
So ito, itong liham sa mundo na ito, ay para sabihin sa’yo na magmula ngayon ay uunahin ko na ang pagsusulat higit sa lahat. Isanlibong salita (o limang pahina sa comp book) kada araw. Mapa-Inggles, mapa-Tagalog, magsusulat ako. Para sa’kin. At para sa’yo. Irereport ko dito sa pamamagitan ng mga aside sa talaang ito, hanggang ma-lock in ko ang habit na ito nang hindi ko namamalayan. Say…100 days? Ano, game?
Kung manunulat ka rin o may bago kang habit na gustong simulan for 100 days at gusto mong may sumuporta sa’yo, samahan mo naman ako. Hawak-kamay tayong aahon mula sa kumunoy ng katamaran! DM mo ‘ko o usap tayo dito.
Discover more from MACKY CRUZ
Subscribe to get the latest posts sent to your email.