‘Wag ka namang magalit! Alam mo, tulad mo sa buhay mo, madami akong plano para sa site na ‘to. Ganito, gan’yan, kailangan ko lang siguro masanay uli na magsulat nang mas regular. Ang dami kong pinagdadaanan, bes! Trabaho! Puro trabaho!
Sa totoo lang hindi mo ‘ko maririnig magsabi ng ‘bes’ sa totoong buhay. Nakaka-tempt lang kapag nagta-type hindi ko rin alam kung bakit. Ako yung tipo ng tao na actively iniiwasan matutong maki-sis o maki-friend o maki-mars dahil minsan ko nang nakasanayang tawagin ang mga tao ng ‘dude’ at sapilitang dinala ito sa opisina at hindi na pinakawalan at wala akong balak magbago ng panawag. May originality complex ako, sa tingin ko.
Noong bata ako, maaga akong namulat sa sakit ng maagawan ng credit. Naalala ko na minsan akong nagsulat ng cursive noong mga panahong script pa lang ang kaya ng mga kabataan. Pinakita ko ito sa pinagkatiwalaan kong kaklase, only to find out in the next few minutes na pinangangalandakan n’ya ang sinulat ko as her own. Maaari ring maaga akong nabingi at iba pala ang basa ko sa buong sitwasyon. Posible ito dahil listening comprehension ang pinakamababa kong grado sa aptitude tests sa St. Scho (Marikina, ‘yung ‘di hamak mas maraming puno at lupa kumpara sa Manila).
Pero anyway imbes na galit at takot na maagawan ako ng credit sa mga bagay na ginawa ko, iba ang andar ng utak ko. Ang naisip ko, sa’yo na ‘yang cursive, mas madami pa akong magagawa d’yan. Which is fairly positive kung iisipin mo, pero ito rin ang origin story ng mga doormat.
So magmula noon, mayroon na’kong weird na preference na ‘wag makigaya o mang-ulit. Ito ang epekto nito:
- Mahilig man ako mag-ulit ng kwento sa kakilala ko, may subconscious need pa rin ako para ibahin ang delivery nito each and every time. Wala akong spiel. Kapag may narinig kang inulit ko, chances are nakalimutan ko na talaga na sinabi ko ‘yon (posible rin kasi na-general anaesthesia na’ko).
- Kahit ipaulit mo sa’kin apat na beses ang isang presentation (nangyari na ito dati para sa work) at kahit magkaiba ang aattend, iibahin ko pa rin talaga each and every time kasi mangangati ako o mawawala sa huwisyo kapag naramdaman kong nagawa ko na o nasabi ko na ang nasabi ko sa saktong paraan.
- ‘Pag iniinterview ako para sa mga security issue at pareho ang tanong, iibahin ko pa rin ang banat dito para worth it ang oras ng nagtanong. Parang feeling ko mangingisay ako kapag may makatanda na may inulit ako nang hindi ko sinasadya.
- Malakas ang tiwala ko sa sarili ko na makakaisip ako ng orihinal o bagong bersyon ng gusto kong sabihin.
- Allergic ako sa uso o na gawin ang ginagawa ng nakararami. Alam kong marami sa inyo ang may pakiramdam na pareho tayo ng nararamdman so hindi naman orihinal talaga ang pakiramdam na ito, pero medyo aktibo ang pag-iwas ko. HIndi dahil cool talaga ako, pero dahil alam ko na hindi ako kakailanganin ng mundo kung makikita na n’ya ang kailangan n’ya sa iba.
- Ito eventually ang dahilan kung bakit ako nangahas maging manunulat. Kasi kahit labintatlong beses mo sa’kin ipaulit ang isang paksa, sa ibang paraan ko pa rin s’ya isusulat each and every time. Masasabing pride ito, or over-confidence, pero kung sa sariling talino ka nakadepende dahil normal lang ang mukha mo, masasabing survival mechanism din ito.
- Kaya rin ako banas na banas kapag sinasabihan ako ng mga tao na naisulat na ang lahat ng pwedeng maisulat tungkol sa isang paksa. Hindi dahil magaling ako magsulat, pero dahil ang baba lang talaga ng kumpiyansa nila na ibibigay sa kanila ng utak nila ang kailangan nila basta’t mag-relax lang sila.
Sa totoo lang hindi ko alam kung saan patungo ang post na ito. Iba dapat ang isusulat ko talaga pero napa-bes ako para itry out sa utak ko kung kaya ko itong sabihin sa totoong buhay. Hindi pa rin talaga, bes. HIndi ko kaya.
Baka rin dahil derivative ang bes ng best friend? Ewan, assuming din ako. Pero wala pa akong tinawag na best friend mostly because hindi ko alam kung at what point safe na pwede ko na ibrand yung tao na best friend ko. Na-brand na akong best friend ng ibang tao na best friend ko naman talaga kung tutuusin pero parang… alam mo ‘yun? Kailangan may title?
Para ba itong pag nagkaboyfriend o girlfriend ka? Kailangan mo tanungin? Pwede ba kita maging best friend? Baka rin kasi hindi ako ‘yung tipo ng tao na nagkaka-best friend. Dahil maliit lang ang pamilya namin, lagi akong naghahanap ng malalaking grupo o tropa para guluhin o makabilang. Mas masaya ‘pag mas madami.
Hindi na ito dapat tinatanong ng mga taong magka-kwarenta na, pero naitanong ko na rin kasi ano pa bang kinakatakot kong tanungin. Wala.
Kanina naghahanap ako ng mga pwedeng panooring Pinoy na vlogger (yung mga Lourd de Veyra type, hindi yung mga Ingglisera types unless you mean Bretman Rock or Petra Halimuyak, who I both like) kasi nag-aaalala na ako na minsan sobra ako maka-relate sa American humor (kahit sabihin nating Wongfu Prod o Ryan Higa vids o Mikey Bustos—teka, Canadian ba si Mikey?) parang…may nakakalimutan ba ako? Na wala ako sa Amerika? Nakakahiya na. Kailangan ng panibagong rebolusyon.
Enge namang recommendations d’yan!
P.S. Napansin mo bang walang kwenta ang post na ito? ‘Wag ka masyado ma-bwisit. Mas para ito sa’kin than para sa’yo. Siyam na araw na kasi akong hindi nagba-blog, at suspetsa ko may namumuong takot kung bakit umabot sa ganito. Pinost ko muna ito dahil gusto kong makita na hindi kailangang perpekto o maayos lahat ng ipopost ko. Minsan ganito. Masanay ka na at magkakasundo tayo.
Discover more from MACKY CRUZ
Subscribe to get the latest posts sent to your email.