May Diskarte Ka Ba? (a.k.a. GTD Pinoy-Style, a.k.a Lagyan ng Sistema ‘Yan, a.k.a. Ano’ng Petsa Na, Tuliro Ka Pa Rin)

Ang gulo ba ng buhay mo? ‘Di ka ba makadiskarte nang matino? Mabaliw-baliw ka na ba sa dami ng responsibilidad at gusto mong gawin? Hindi ka ba makatulog sa mga problema mo sa buhay pero kapag panahon na para aksyunan ang problema hindi mo alam kung saan o paano magsisimula? Minsan mo na bang naisahan ang sarili mo: ‘yung sobrang dami ng gagawin mo dapat pero dahil ang dami maysado wala ka na lang gagawin ni isa para quits silang lahat?

Kaya ka ba laging nasa Facebook?

Hindi ka nag-iisa.

Bago ko nabasa ang sistemang ikukwento ko sa’yo ngayon, para akong laging aatakihin sa puso o sisikmurain. Parang laging may bubulaga sa’kin na kung ano, isang galit na co-worker, isang task na nakalimutan kong gawin, isang email na ikapupurnada ng career ko. Ito ay mostly dahil ang dami masyadong laman ng utak ko.

Normal lang naman na madaldal ang utak mo. Utak ‘yan e, wala ‘yang choice kung ‘di patakbuhin ang mitsa ng mga sinindihang pag-iisip. Ang tanging may choice lang ay ikaw at pa’no mo didiskartehan ang buhay mo.

Madami din muna akong pinagdaanang diskarte: denial (hindi totoo ‘tong nabasa ko), anger (ba’t kasi ako na lang lagi lahat!), bargaining (baka pwedeng mamaya na lang ‘to gawin), depression (ikamamatay ko na lang ‘tong mga nakalutang na pending), at acceptance (which is itong ituturo ko sa’yo ngayon). Nasa sa’yo naman kung bukas ang isipan mo sa iba’t ibang sistema, pero ang sinasabi ko sa’yo, kung hindi mo lagyan ng sistema ang buhay mo, hindi mo maeenjoy ang retirement mo, ‘yun ay kung aabot ka pa dito, dahil sa mga scientific na kumplikasyon gawa ng stress, tulad ng high blood, ulcer, dandruff, migraines, etc.

So essentially, para ‘di ka agad mamatay.

May mga basic principles ang Getting Things Done: The Art of Stress-Free Productivity na kailangan mo munang maintindihan.

Una, ang laki ng kumpiyansa mo sa utak mo para dalhin ang lahat ng hindi mo pa ginagawa. Dati sabi ng mga scientist, kaya lang ng RAM (short-term memory, ‘yung parang scratch paper ng talambuhay mo) ng utak mo ang magdala ng hanggang pitong bagay (bale plus or minus five). Pero in recent years, mukhang the number is closer to four. Apat. Anything more than that, nalulurka na ang utak mo. Nagtataka ka pa ba kung bakit ka stressed?

Pangalawa, tuwing may naisip ka na something na gusto mong gawin o aksyunan o bigyang pansin, may binubuksang gripo ang utak mo hanggang pansinin mo ang bagay na ‘yon. “Open loops” ang tawag ni Allen do’n, pero mas closer to gripo ang karanasan ko sa open loops kasi the longer na hindi ko pinaglaanan ng oras ang bagay na pumasok sa isip ko, the fuller my mind seems to be with that single thought.

Pangatlo, pustahan tayo na kapag sinabi ko ‘yung limang steps sasabihin mo e ginagawa ko na naman ‘yon e, pero let me feel free na barahin ka in advance na ang tanging dahilan kung bakit ka pumapalpak sa diskarte mo ay dahil sinusubukan mo na gawin ‘yung limang steps na ito nang sabay-sabay. May dahilan kung bakit iniisa-isa natin ‘to.

Kung gusto mong gamitin ‘tong sistema na ‘to para ayusin ang buhay mo, may option ka na mag-mini retreat during the next long weekend, para lang may fresh ka na starting point. Pero pwede mo ring unti-untiin to get a feel for the process. Para sa’kin, ‘yung one-time big-time organizing spree works.

Pero bago lumalim ang usapan, balikan muna natin kung bakit mo nga gustong pahirapan ang sarili mo nang ganito?

Kahit kalimutan mo na ‘yung oportunidad na mabuhay nang mas matagal nang hindi gaanong stressed sa mga bagay-bagay, let’s just talk about now, this present moment, ang kasalukuyan. Hindi mo ba ibibigay ang lahat para makahinga nang maaliwalas ang utak mo? Hindi ba’t panahon na para tumigil ang pag-aalinlangan mo kung ano ba dapat talaga ang ginagawa mo right this very moment?

Dapat ba ginagawa mo ‘yung project na last week pa due? Dapat ba tawagan mo na ang nanay mo? Dapat ba ipagpaliban mo na lang ‘yung inuman mamaya?

Okay, fine. Enough chechebureche. Ito na ‘yung framework.

  1. Capture – ang pagsasapapel ng LAHAT ng bagay na kailangan mong gawin, gusto mong gawin at basically lahat ng kumekerengkeng sa utak mo

  2. Clarify – ang paglilinaw kung ang naharbat mong pag-iisip ay kaaksyun-aksyon talaga o nagbabalatkayo lang

  3. Organize – ang pagsasaayos sa iba’t ibang kahon at kategorya na may katapat na aksyon at timeline

  4. Reflect – ang regular na pagninilay-nilay kung nasaan ka na sa buhay mo

  5. Engage – kapag nagawa mo ang unang apat na steps, malaya ka nang makagagawa ng kung ano mang nasa plano mo, distraction-free at nang may tunay na layunin, a.k.a. congrats, may diskarte ka na!

Excited ka na ba?

Ang limang susunod na post sa series na ito ay ang mga pagpapaliwanag ng mga hakbang na ito.


Discover more from MACKY CRUZ

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.