Basahin mo muna ang mga naunang post!
Sa step na ito, magkakabistuhan.
Bakit kailangan ng hiwalay na step ang paglilinaw? Hindi pa ba sapat na pinaipon mo sa’kin lahat ng gusto kong gawin sa buhay ko? Hindi pa ba malinaw na mamamatay ako sa tambak ng mga napakong pangako at nakalimutang plano?
Shhhh. Tahan na, munting butiki, may dahilan para dito.
Ang paglilinaw ay madali sa panlabas dahil maaaring nakaupo ka lang habang ginagawa ito (or nakalutang sa dagat ng basurang nilikha mo sa step 1, kanya-kanyang sitwasyon ‘yan), pero ang tunay na challenge ay nasa kalooban mo. Ang paglilinaw ay upang mapagdesisyunan mo ang bawat item na inipon mo. Dito magkakabistuhan kung bakit ka nagpo-procrastinate in the first place: hindi mo masintensyahan ang isang bagay.
Ang paglilinaw ay gawain ng mga may apog.
Ang una mong dapat itanong (according pa rin sa Getting Things Done: The Art of Stress-Free Productivity, ang may pakana ng sistemang ito) ay “ANO NA NGA ITO?” hindi dahil makakalimutin ka pero dahil minsan hindi mo naman talaga alam kung ano ‘yang hawak mo. Resibo ba ‘yan? Paalala na hindi ka pa binabayaran ng kaopisina mo? Lumang ballpen na na-phase out na ang pang-refill pero type mo pa rin talaga ang kaha? Cellphone number ba ‘yan nung sinabi ng kapitbahay mo na marunong mag-ayos ng sira sa kisame?
Kapag alam mo na kung ano ‘yang hawak mo, ang susunod na importanteng tanong ay, “MAY MAGAGAWA BA AKO DITO?”
At dalawa lang ang sagot dito, OO o WALA. Walang ‘ayos lang,’ ‘baka’ o ‘pwede.’ Sabi ko sa’yo para lang sa mga may apog ang paglilinaw e. Unahin natin ang mga susunod na hakbang kapag OO ang sagot. Ang susunod na tanong ay, “ILANG HAKBANG ANG KAILANGAN PARA MATAPOS ITO?”
Kapag ang sagot ay more than one, then masasabing ang hawak mo ay bahagi ng isang proyekto. ‘Wag ka matakot sa ‘proyekto,’ ‘pagkat kabilang dito ang mga ‘di mo naman iisiping proyekto, tulad ng ‘pag-ayos ng alulod,’ ‘paghanap ng bagong papalit dun sa A/R officer kong maldita,’ o ‘birthday party ni junakis number 2 para sa mga co-monster n’ya sa school’, etc.
Para sa mga project, kailangan mong isulat ang final goal mo sa isang listahan ng mga proyekto, babalikan natin ito mamaya.
Otherwise, ang kailangan mong alamin ay, “ANO ANG KAILANGANG GAWIN DITO?” dahil dito tayo magkakatalo. Para kunwari sa hawak mong resibo noong kumain kayo ng team na charge sa kumpanya, ang kailangan mong gawin pala ay, ‘File for reimbursement.’ In this case ang ‘file’ ay isang pandiwa (o verb, Ingglisera!), ibig sabihin may totoong aksyon na kaakibat. Hangga’t wala kang nakikitang pandiwang kailangang gawin sa hawak mo, naglolokohan lang tayo.
Pangdiwa: Ang Reyna ng Buhay Mo
Once alam mo na ang pandiwa mo (ang ‘action required,’ as promised), may tatlong pwedeng gawin tungkol dito. Una, anak ng tipaklong kung less than two minutes e matatapos na ‘to E BA’T ‘DI MO PA GAWIN? Kung real-time mo ginagawa ang pagsasaayos mo ng buhay mo ayon sa blog na ‘to, dali, gawin mo na ‘yan, now na, iintayin kita.
[after two minutes]
Welcome back! O, ang sarap ‘di ba? One less thing na bumabagabag sa’yo. Okay lampasuhin mo na ‘yang iba d’yan!
Pangalawa, ‘yung mga bagay na pwede mong iutos, aba e samantalahin na ‘yan! Iutos na ‘yan! Buti ka pa may sekretarya! Charot lang, ang totoo baka mas may ibang dapat gumawa n’yang bagay na inuupuan mo, either natatakot ka lang o ma-pride masyado para humingi ng tulong. Again, kailangan ng apog. Ilista mo sa listahan na tawagin nating “abangers” list para sa mga bagay na iniintay mong matapos ng iba. (‘Wag mo kalimutang i-delegate talaga ha.)
Pangatlo, at ito ang final resort dahil ito ang magiging sentro ng pagsasaayos mo ng buhay mo sa mga susunod na hakbang, pwede mong ipunin muna ang item na ito sa isang mahabang listahan ng mga dapat gawin.
Okay, so mabalik naman tayo dun sa “MAY MAGAGAWA BA AKO DITO?” pero ang sagot ay WALA (pwede rin ang ‘wala pa’ o ‘wala sa ngayon’ dahil mabait ako). Ano ang mga dapat mong gawin dito? May tatlo uling posibilidad. Una, basura ang hawak mo. Ang aksyon dito ay ITAPON NA ‘YAN BA’T HAWAK MO PA ‘YAN SINO’NG NILOKO MO?!
Pangalawa, pwedeng kailangan mo dito sumangguni in the future kahit di mo pa kailangan ngayon, kunwari may namigay sa village n’yo ng listahan ng requirements kapag gusto mong sumali sa village-wide bazaar pero sa June pa ito mangyayari. Ang itatawag natin sa grupo ng mga bagay na ganito ay ‘masasamang balak/balang araw.’
Pangatlo, maaaring gusto mo lang itong itabi kasi baka kailanganin mo in the future—pero hindi mo alam kung kailan. Tawagin natin s’yang mga ‘references.’ Dito mo ilalagay siguro ‘yung naiuwi mong menu at address ng isang hole-in-wall restaurant sa Binondo na walang website, ‘yung manual ng induction cooker na natatakot kang itapon kasi hindi ka pa ganoong ka-confident, ‘yung seminar notes mo about Time Management (hoy kailangan mo pa ‘yan ‘wag kang mayabang), etc.
Okay, congrats! Ito na marahil ang pinakamahirap na bahagi ng prosesong ito. From here onward it’s just a matter of organizing ‘yung mga desisyon mo into lists at ang pagsigurado na binibisita mo ang mga ito on a fairly regular basis.
Pero hindi pa tayo tapos. Sa susunod kong post, ang pag-uusapan naman natin ay kung paano katawanin ang mga desisyon na ito in some physical form.
Discover more from MACKY CRUZ
Subscribe to get the latest posts sent to your email.