Wala muna tayo masyadong drama today, matagal ko nang naisulat ‘tong recap ko sana ng pagpunta ko sa National Museum pero lagi kong nakakalimutang tapusin. Pwes eto na, natapos din. Walang anuman.
Pumunta ako sa National Museum ng mga bandang Marso. Punta kayo! Libre man o may bayad, sobrang sulit. Kung Pilipino ka, mapagyayaman mo pa lalo ang alam mo sa bansa mo sa pagpunta dito.
Ang una mong dapat malaman, tatlong building ang saklaw ng National Museum; ang National Museum of Fine Arts (painting painting, art), National Museum of Anthropology (historical artifacts tulad ng mga sinaunang baso) at ang National Planetarium (‘di pa’ko nakakapasok so di ko alam pero I guess space-related). Noong pumunta kami mahaba ang pila sa Planetarium. I-check mo sa FB nila ang sked ng mga show tapos maglaan ka siguro ng isang oras para lang sa pila.
Sa totoo lang, mahirap ipaliwanag kung bakit mahalaga ang pumunta sa mga museo. Lalo na’t lahat na naman na gusto mong tanungin ay masasagot na ng Internet. Ingat nga lang dahil alam mo naman kung gaanong kadali mag-imbento ng impormasyon sa Internet basta may Internet connection ka, kaunting oras, at isang masamang balak. #FakeNews
Pero kung tumataas pa rin daw ang bentahan ng totoong libro kahit ilang taon na dapat napatay ng ebooks ang mga pisikal na libro, pusta ko’y may ibang ibinibigay na katotohanan at kredibilidad ang mga bagay na nahahawakan mo o nakikita nang personal. Kailangan mong malaman ang pinanggalingan mo, para malaman kung ano ang mga dapat na ipinapaglaban mo ngayon–dahil sa totoo lang walang magsasabi sa iyo nito. Walang manual kung paano maging Pilipino; wala ngang pangalan ang bansang ito bago tayo binyagan ng mga Kastila e, so for the most part kailangan mong i-figure out by yourself kung paano didiskarte sa mundong ito. At pwede mong tahakin ang paglalakbay na ito sa mga tanong tulad ng, sino ba ako? at Saan ako nanggaling?
Ito ang mga naaalala ko pa ngayon tungkol sa pagbisita ko dito:
-
Na hindi na nga pala alibata ang tawag sa sinaunang titik ng mga Pilipino, kundi baybayin.
Bonus irony: isa sa mga koleksyon ng museo ay itong parang guide to baybayin na ibinuo para sa isang kastilang pari (google says isinasalin n’ya ang ilang mga libro para sa mga lokal–a.k.a. old-school propaganda!). Tandaan na hindi malayang itinuro ng mga Kastila ang lenggwahe nila para hindi sila maintindihan ng mga Pinoy. Pero here we are (or whoever wrote this), telling them everything.
Click here for Num. 1 | Click here for Num. 2 | Click here for Num. 3 |
-
Na isa sa napakadaming kabulastugan ng pananakop ay ang posibilidad na mautusan ang isang magaling na pintor na Pinoy na gumawa ng isang religious painting pero hindi man lang ipapangalan ang painting sa artist. Ang resulta, mga obrang hindi na natin kailanman malalaman kung sino ang gumawa.
-
Na this guy ain’t having any of this white man shit, documented for posterity:
-
Na kahit ilang beses ko nang nakita ang Spoliarium (may ‘i’ after ‘l’), iba pa rin nang makita ito sa totoong buhay. Kaya mahalaga ang painting na ito ay ikinapanalo ito ni Juan Luna sa Espanya ng first place #pinoypride. Ibig sabihin, despite lahat ng ipinalabas ng mga Espanyol, na nakabababang uri ang mga Pinoy at kailangang i-civilize at sakupin, walang ebidensya na may pinagkaiba sila satin maliban sa mapupusyaw nilang balat at matatangos na ilong, mga katangiang walang kinalaman sa halaga ng isang tao.
#
May mga tip ako sa pagpunta mo sa National Museum. Balikan mo ako kung ginawa mo o kung may bago kang idadagdag.
-
Magsuot ng kumportableng sapatos dahil mahaba ang lakaran.
-
‘Wag ma-pressure sa daloy ng tao o sa bilis ng mga kasamahan. Iba’t iba kayo ng pinagdidiskitahan dahil magkakaiba kayong tao. Maglakad gamit ang sariling bilis. Walang susuway sa’yo kung masyado kang matagal sa harapan ng isang painting hanggang sa sandaling subukan mong dilaan ito (bawal kasi ‘yon).
-
Bago pumasok sa isang floor o isang kwarto, alamin ang relationship ng mga makikita mo dito sa kabuuang istorya na ibinibigay sa’yo ng museo.
-
Basahin ang mga label.
-
Sundin ang mga patakaran sa museo. Hindi dahil nahihiya kang masita nang guard, kahit lubusan itong nakakahiya (at dahil nangyari na ito sa’min alam ko kung ano’ng sinasabi ko), pero dahil may dahilan kung bakit ipinagbabawal nila ang mga ito. (Sige na nga: Bawal ang flash photography dahil sensitibo ang ilang mga painting. Bawal kumain o hawakan ang mga artifact dahil baka malagyan mo ng ketchup mahiya ka naman sa ilan daang taong pag-iingat ng mga nagdala nito mula sa malalayong lugar sa Pilipinas para lang mapahiran mo ng processed kamatis. Bawal mag-ingay kasi may kani-kaniyang iniisip at pinagdadaanan ang mga ibang kasama mo–respeto lang, kumbaga.)
-
Kailangang iwanan ang mga bag sa lockers sa entrance, so kung may issue ka sa gamit, ‘wag ka na lang magdala ng kung anu-ano.
-
Pansinin ang impluwensya ng mga mananakop, subukan mong alamin kung may kinalaman ang taon kung kailan ginawa ang isang obra sa nilalaman nito. Walang taong hindi naiimpluwensyahan ng lipunan n’ya gaano man n’ya ikatatwa ito.
-
Mag-notes. Mga magandang ilagay sa notes: pangalan ng painting na nagandahan ka, for later research; tally kung ilan ang portrait ng mga mestiso versus kayumanggi noong panahon ng mga Kastila; mga naramdaman; interesanteng detalye na ngayon mo lang nalaman; mga bagong kaalaman.
-
Makipag-unahang sabihin kung ano ang ibig sabihin ng mga abstract painting at installation (installation: maalam na katawagan sa mga piyesang may harap, likod, ibabaw at ilalim).
-
May CCTV sila sa bawat sulok ng museo–‘wag mo nang tanungin kung bakit ko alam ‘to at kung bakit hindi na ako kailan man babalik sa isang partikular na floor sa National Museum sa tanang buhay ko. So kung ano mang kalokohan ang binabalak mo, hindi ka makakalusot. Makalusot ka man, pasaway ka pa rin.
Magtapos na tayo sa sampu dahil wala na ako masyadong maisip. Basahin mo din ang guidelines nila sa National Museum Facebook page para walang sisihan! ‘Wag pasaway!
Ito pa mga iba kong kuha:
UPDATE: Nagbukas na pala sa wakas ang National Museum of Natural History kaya kung naghahanap ka pa ng karagdagang rason para bumisita, ITO NA YON TEH!
Discover more from MACKY CRUZ
Subscribe to get the latest posts sent to your email.