Pumunta Ako sa Pinto Art Museum

Pangalawang beses ko nang nakapunta sa Pinto Art Museum. Ang totoo kong binalikan sa Pinto ay ang mga gawa ni Elmer Borlongan. Nakalimutan ko kasi ang pangalan n’ya nung una kaming pumunta.*

Ang naaalala ko lang, ‘di maipagkakailang Pinoy ang gumawa ng mga gawa n’ya, at may taglay na parang panaginip ‘yung mga gawa n’ya: lutang ang kulay at nakakapanlinlang ang pagkasimple ng mga linya. Eto sample o.

Gawa ni Elmer Borlongan. Ang liit nung description box ‘di ko mabasa.

Para saan ba ang mga art museum? Oo mukhang wala itong relevance kapag gutom ka, o walang bahay o walang mapagkunan ng trabaho, pero malakas ang suspetsa ko na hindi uunlad ang isang komunidad o kahit bansa, kung wala itong mga espasyo para pagmasdan kung paano pinagdadaanan ng ibang tao ang kani-kanilang buhay.

Sa mga historical museum (sa susunod ikukwento ko sa’yo kung ano’ng makikita mo sa National Museum of the Philippines), makikita mo ang mga ebidensya ng buhay bago ka pinanganak. Dito namatay si ganito ganyan dahil sa kagagawan ni ganito ganyan.

Nasa Instagram ko rin ito, kung saan nangako akong ireresearch ko kung ano 'to. Pero ano'ng keyword, sige nga?
Nasa prehistoric garden ng Pinto Art Museum. ‘Di ko pa rin alam para saan ‘tong mga tropa.

Sa mga art museum, makikita mo rin ang ebidensya ng buhay dati hanggang ngayon, pero higit pa dito, pati ang mga pangarap, takot, pangamba, libog, ligaya, pag-ibig, at ang mga araw-araw na awitin ng mga taong tulad mo.

Si Deadpool ba ‘yon? O anino ng mga demonyo ng nakaraan?

Dito mo makikita ang dalawang parehong totoo pero magkabaligtad na katotohanan. Na magkaibang-magkaiba tayo ng mga pananaw sa mundo, pero at the same fucking time, na pare-pareho lang tayo sa ilalim nito.

At ito pa isang pares, na kung iisipin mo, hindi naman tayo mapapakain ng mga painting. Hindi naman tayo kikita o yayaman o tatalino pagkalabas ng museo. Pero sa kabilang banda, ito ang rurok ng pagiging taong may malayang kaisipan. Dahil kung iisipin mo, bakit ka gagawa ng likhang sining kung ‘di dahil kaya mo?

Shet may tao sa swing

‘Di ko rin naman maipagkakaila na may mga painting at gawa akong nakita na ikinagalit ko. Ikinagalit ko kasi parang ang pangit o kaya ‘di ko maintindihan o ‘di ko alam kung para saan o alam ko pero ang obvious masyado sana sinulat na lang.

Pero kung babalikan ko ang inis, pati ito, ‘yung pagka-bwisit, ipinagpapasalamat ko. Kasi kung iisipin mo, ‘di ko naman hawak ang kumpletong kamalayan ng buong mundo (o kahit ng buong Pilipinas). Meron at meron dapat mga punto de vista na saliwa sa mga nalalaman ko. Meron dapat. Katibayan ito ng buhay, ng kalayaan, ng demokrasya.

Pero sa totoo rin lang, mayroong mga painting na napaisip ako na…hala, kaya ko rin ‘yun a. Ang simple-simple, ang dali-dali. At ang tamang pangontra sa sarili (o sa iba, sa susunod na may magsabi n’yan na narinig mo)—e ba’t ‘di mo ginawa?

Ang mga tumatatak lang sa kasaysayan, tandaan, hindi ‘yung mga miron sa gilid na nagtatatalak, kung ‘di ‘yung mga mismong gumagawa ng milagro’t lagim. Sikapin mong sumali sa kanila (o sa amin 😉 ).

Ang Pinto Art Museum ay matatagpuan sa … Facebook. GMG, andun lahat ng detalye. P200 nung pumunta kami nung March nito lang. Kaso sarado ‘yung bahagi na may pa-Greek effect ‘yung mga gusali. May ala coliseum pa sila doon dati na pusta ko’y pinagpapalabasan nila ng mga sayaw at iba pang performance art. Closed for now pero malay mo.

* How to act sober sa loob ng art museum: Kung pumapayag ang museo, take pictures nung mga gawa na nagustuhan mo, tapos picture-an mo rin ‘yung maliit na parisukat sa tabi kung saan nakasulat ‘yung pangalan ng gawa at ng gumawa. Dahil kahit habang nandoon ka ay limampung beses mo ulitin sa sarili mo ang pangalan ng artist para ‘di mo makalimutan at feeling mo hindi mo makakalimutan kasi gustung-gusto mo nga, dadating din ang panahon na makakalimutan mo ito.


Discover more from MACKY CRUZ

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.