Ipinanganak at lumaki akong kaliwete, primarily dahil tinamad na ang mga magulang ko na korekin ako tulad ng ginawa nila sa kapatid ko. Hindi ko naman masabi kung for better or worse ang desisyon na ‘yon dahil wala naman akong panilip sa mga parallel universe kung saan right-handed ako. Wala ring bearing sa’kin ang posibilidad na ‘yon kasi hindi rin naman ako ‘yung andon kahit kamukha ko ‘yung version ko na ‘yon.
Pasensya na sa biglang bwelta into science fiction. Napaisip lang kasi ako tungkol sa paggamit ko ng fountain pens sa pagsusulat (san pa ba) kahit kaliwete ako.
Isa ako sa mga pinaka-kaliweteng kilala ko. May mga kaliweteng kaliwete lang sa pagsusulat, pero kanan ang gamit sa everything else. May mga kaliweteng legit na ambidextrous pala, saludo sa inyo. Pero ako kasi, for some reason or another, ay nasa hard mode ng pakikipagsapalaran sa right-oriented na mundong ito.
Noong una akong na-enganyo na mag-fountain pen nung 2017, ang andar talaga ng utak ko ay nasa pagtanggap na hindi ito para sa’kin. Kung sa karaniwang panulat palang nga e nanlilimahid na ‘yung gilid ng palad ko, dito pa kaya sa basang-basang mga ink nito. Pero kung kilala mo ako sa totoong buhay, alam mong lubusan na akong nagpalamon sa mga fountain pen sa puntong ito, so ang tanong ay bakit at paano.
Kung hindi mo pa naranasan ang ni isa sa mga struggle na ito, suffice to say hindi mo rin magegets kung bakit big deal ang paggamit ko ng fountain pen in everyday life:
- Sa HS home economics, tinuruan ang buong klase mag-gantsilyo, pero the moment mag-eye contact kayo ng teacher at makita niya kung ano’ng kamay ang ginagamit mo pang-hook ng yarn, ay tatalikuran ka matapos sabihan na hindi ka niya matuturuan.
- Lagi kang mukhang mali sa ibang tao o hirap na hirap ang ibang tao sa pag-atake mo sa mga bagay at isisisi nila sa pagiging kaliwete mo imbes na sa likas na katangahan mo. (Score na rin kung tutuusin, pero naalala ko ang biro ng tatay ko na kapag may gagawin ako na may dexterity required, sasabihin niya na, “Kananin mo kasi,” kahit tanggap naman niya ang pagiging kaliwete ko.)
- Magjo-joke ka sana na magsusulat gamit ang kanang kamay sa blackboard hanggang sa may makapansin na napakapangit ng sulat mo, kaso pag nagswitch ka na ng kamay, wala naman ding diperensya. So basically hindi alam ng audience kung ano talaga ang nangyari or kung ano ang point ng pretend na pagkalito mo.
- Nagpaayos ka ng grease trap tapos nagmagandang loob ang manong na ilipat sa kanan ang sponge at dishwashing liquid container mo, dahil kahit kaliwete ang nakatira dito, dapat nasa kanan lagi ang mga kagamitan. Pero dahil hindi naman kayo nag-usap, mapapaisip ka kung ano ang tumakbo sa isip niya. Naisip ba niya na tanga ka lang talaga na nagpapakahirap na nasa kaliwa ang sponge, at he took it upon himself na ayusin ang buhay mo, expecting gratitude?
- ‘Yung pagtanggap sa riyalidad na laging madumi ang pang-karate chop side ng kamay mo dahil sa halu-halong chalk, ballpen, pentel, at ang pinaka-impressive: ang silver gray shiny sheen ng graphite ng lapis, na kumakapit dito sa araw-araw na ginawa ng Diyos.
- ‘Yung may muscle knot ka sa kaliwang balikat the size of an ubas dahil ilang dekadang hindi sinasalo ng armrest sa eskwelahan mo ang siko mo dahil puro pang-right-handed students ang mga desk dito.
- ‘Yung nasa bilog na mesa ka sa pormal na event at sabay kayo ng katabi mong inabot ang basong kanina n’yo pa pala iniinuman (pre-Covid, hopefully).
- ‘Yung hindi mo na lang napapansin na nagka-calculate ka mentally kung saan lalapag ang blade ng gunting dahil buong buhay mo namang hindi ito sa iyo pinakita ng right-handed scissors. Hanggang sa matutunan mong nag-eexist pala ang left-handed scissors. Pero dahil hindi naman readily available sa iyo ito naiwan ka lang na nag-iisip kung ano pa ang mga bagay na tiniis mo na lang o tinanggap mo na lang dahil hindi naka-orient sa danas mo ang mundo.
- Kapag nahaharap sa dalawang option, laging may bahagi ng utak mo na sigurado na mali ang una mong pipiliin, at may bahaging kokontra para sabihing ‘di kaya’t na-internalize mo na ang pag-assume na mali ang una mong pipiliin kaya actually, tama na ang una mong choice? Ending: analysis paralysis or mag-Google. Ang dynamic na ito sa utak mo ay dulot ng mga taon kung saan 50/50 lagi ang chances mo na makuha mo nang tama ang: pagpihit ng kahit ano, mapa-doorknob, faucet, o screw man ‘yan.
- Kung gaanong ka-natural for genpop to do some things na hindi na nila naiisip, ganoong ka-natural para sa’yo na laging piliin ang kabaligtaran nito. Pero dahil madalas ipamukha sa’yo ng mundo na hindi niya gets kung bakit iba ang instinct mo, at hindi niya wine-welcome ito as an option, ang naging protocol sa utak mo ay i-assume na mali ang una mong sagot, confer sa outside world kung ano ang tama, then conform.
Ito ang rason kung bakit noong 2017 noong unang na-introduce sa’kin ang konsepto ng fountain pens, ang una kong instinct ay i-assume na hindi ito uubra para sa tulad ko. Ironically, sa puntong ‘yon ‘di man lang ako nagdouble take as usual, mostly dahil alam ko nang walang way kungdi madaanan ng kamay ko ang kakasulat ko lang (see bullet number 5 sa taas).
Pinanood ko ang mga kasamahan ko sa workshop na ma-enganyo at bumili ng mga ink at matuwa at mamangha sa bagong karanasan. Pinasubok sa’kin ang mga ink na madaling matuyo, kinalikot ko ang mga koleksyon nila para kilalanin ito. Anim na linggo ko silang pinanood at pinagmasdan hanggang sa nag-uwian na kami lahat at nakalimutan ko na ang yet another example of left-handed subparness.
Pero may bumubulong sa kalooban ko, isang kakaibang kasiguraduhan borne out of everything I had to low-key endure bilang kaliwete. The same street confidence na magbilyar with the “wrong hand” dahil matalas naman ang spatial skills ko. The same vindicated annoyance with which I took to crocheting out of the blue when I stumbled upon left-handed crocheting tutorial videos, although belt palang ang nagagawa ko so far. The same vengeful persistence that allowed me to play the guitar left-handed without restringing right-handed guitars, drawing guitar chords and flipping them so I can pick and strum with my dominant hand, the way the right-handed do, para lang kaya kong tumugtog sa kahit anong gitarang mapulot ko.
And true enough, a few months after, nagpakaladkad sa kaworkshop na taga-Singapore (hi, Ghis) sa Tokyu Hands para marekomendahan ng magagandang ink, at napabili na rin ng mga starter pen (Pilot Metropolitans) in medium nib (dahil mataba ako magsulat).
Ang nakakatawa slash nakakalungkot, on-brand sa instinct ko of adapting for survival, dali-dali akong naka-develop ng panibagong paraan ng pagsusulat (underwriting) para lang ma-accommodate ang bagong panulat. Like hindi sumagi sa isip ko na ito ang ginagawa ko, natural na natural lang na umiwas ako sa basang tinta hanggang sa tuluyang nasanay sa pailalim na pagsusulat. Wala pala dapat akong pinag-alala in the first place.
Lahat ng nag-discourage sa’kin (kasama sarili ko) sa paggamit ng fountain pens ay, 1. Nasa lugar naman, pero 2. Malamang ay hindi aware sa lahat ng pinagdaanan ng mga kaliwete enough to assume na kami ay fully capable of changing the very fucking manner in which we write para lang ma-enjoy ang gaan at kaastigan ng buong fountain pen writing adventure.
Ngayon, kung kailangan mong tanungin kung ano ba ang meron sa fountain pens na ikinababaliw ko, kung bakit may higit sa 30 na bottles na ako ng ink at 10 fountain pens kahit hindi naman ako collector ng kahit ano by nature, kung bakit bumili ako ng Oxblood, Aurora Borealis at Imperial Purple paglapag na paglapag ko sa nilipatang bansa kahit ang dami ko nang ink dahil sa April pa dadating ang shipment ko at hindi ko pala kayang maghintay, kung bakit kalahating araw kong dinamdam ang akala kong pagkawala ng Lamy Aion ko (na nasa bahay lang pala), ang magiging sagot ko ay magiging kasinglabo nitong buong post na ‘to.
Kung hindi ka kasing in-love sa hugis at hulma ng mga salita separate from their actual meaning, hindi mo maiintindihan kung bakit napakahalaga sa akin na napakagaan at napaka-buttery ng pagsulat gamit ng fountain pen at kung paanong may dalang kakaibang kilig ang pagmasdan ang pagkinang o pag-shadow ng sinulat mo pagkatuyo nito, na tila may tunay na world-bending gravitas ang sinulat mo.
Kung tutuusin, there’s really something mercenary about fountain pens na ‘di tulad ng flimsy pa-tweetums subservient drama ng ballpoint pens. Gamit ang capillary action at ang masidhing tiwala sa pakikisama ng mga magkakatabi pero hindi nakadikit na mga pyesa, unti-unting bumababa ang ink mula sa compartment nito papunta sa feed, hanggang sa makarating sa magical moment kung saan gahibla ang pagitan ng dalawang tine ng nib at sa gitna nito dahan-dahang tumatawid ang paisa-isang molecule ng ink, hanggang sa mabilisang hilahin ng manunulat ang ink papunta sa papel, tuluy-tuloy, walang putol, pero kakapal o kikitid base sa bilis o bigat ng pagsusulat mo, titigil lamang sa pag-angat ng kamay para sa susunod na salita, o linya, o sa pag-iisip. Sa sobrang swabe, mawawala o lalambot ang mga kalyo mong bungsod ng mga dekadang kakapilit sa ballpen na plis, pumantay ka naman sa emosyong dinadala ko sa paggamit sa’yo.
Noong holiday season nung 2022, niregaluhan ko ang sarili ko ng left-handed nib ng Lamy, para lang malaman kung may pagkakaiba ba. Negligible to be honest, or then again, baka nga dahil sanay na rin naman tayo sa kahit ano.
Gusto ko mang ibida ang pagiging kakaiba ng pagiging kaliwete (madaming studies pero itanong mo na lang sa ChatGPT), hindi ko magawa without it sounding like I’m trying hard to feel special, kasi sa totoo lang, nagkataon lang naman talaga na naging kaliwete ako. Hindi ko sinasadya, hindi ko pinili. Wala ring special skill akong taglay para gawin ang mga nagawa ko. Lahat ng sabihin nila about left-handed peeps being more artistic, more likely to get depressed, at masters at out-of-the-box thinking ay ultimately resulta lang talaga ng wiring sa utak dahil nga kaliwete kami.
Pero ang sigurado ako, ay kung pinanghinaan ako ng loob at hindi na sinubukan mag-fountain pen kahit kailan, hindi ako makakapagsulat ng ganitong kadalas at ganitong kadami nang long-hand para sa mga journal na sa kalaunan ay naipakilala sa’kin ang tunay kong pagkatao. Pero dahil wala nga akong panilip sa parallel universes, hindi ko malalaman kung inilaban ko nga ba talaga ito taliwas sa tadhana o kung ito rin naman talaga ang daang nakalatag para sa’kin.
Basta ang alam ko, kapag inilagay mo sa ilalim ng ilaw ang Emerald of Chivor na ink matapos mong sulatan ang mahal na papel tulad ng Tomoe River Paper gamit ang broad na nib, tila pinakikita nito sa’yo ang mga lihim ng natural world, ang mga kulay at property ng mga bundok at bato, ang pula, ang ginto, ang animatronic blue, at kung paanong mas gumaganda ang mundo, kapag makulay ito.
P.S. Ang etymology ng salitang “sinister” ay galing sa Latin word para sa “on the left side”, at isang lantarang diskriminasyon laban sa mga kaliwete. Now you know.
Discover more from MACKY CRUZ
Subscribe to get the latest posts sent to your email.